Isang taong gulang na lalaking Pinoy sa UAE, negatibo na sa COVID-19

Naka-recover na sa COVID-19 ang isang taong gulang na lalaking Filipino sa United Arab Emirates (UAE).

Kinumpirma ni Philippine Ambassador to the UAE Hjayceelyn Quintana na negatibo na ang lumabas sa test result ni baby Zaine.

Ayon sa embahada, si Zaine na ang pinakabatang Filipino COVID-19 survivor sa UAE.

Unang nakaranas ng mild symptoms ang ina ni Zaine habang nakasailalim sa isolation.

Wala namang naranasang sintomas ng COVID-19 ang sanggol ngunit pitong beses itong nagpositibo sa isinagawang pagsusuri ng Abu Dhabi Health Services Company (SEHA).

Ani Quintana, ikinagagalak nila ang paggaling ni Zaine at iba pang Pinoy sa nasabing bansa.

“I have known Zaine since he was born three months pre-mature in October 2018 and have been personally praying for him since then. I thank God for giving Zaine another miracle. We rejoice in the recovery of Zaine and join the family members of other Filipino COVID patients in UAE in celebrating the recuperation of their affected loved ones,” pahayag nito.

Nakikiramay din aniya ang embahada sa mga Filipino sa UAE na nawalan ng mahal sa buhay bunsod ng nakakahawang sakit.

Muling hinikayat ni Quintana ang Filipino community sa UAE na manatiling alerto, ligtas at sundin ang precautionary measures laban sa COVID-19 pandemic.

“While mobility restrictions are starting to ease, now is the time for continued caution and not for complacency. I therefore urge all Filipinos in the UAE to remain vigilant in exercising COVID-19 precautions such as hand-washing, wearing of facial masks, social distancing, and avoiding going outside one’s home unnecessarily,” dagdag pa nito.

Read more...