Ayon sa 4AM weather update ng PAGASA, Easterlies ang umiiral sa Southern Luzon habang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) naman ang umiiral sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Maulap na panahon na may mga isolated thunderstorms ang mararanasan sa bahagi ng CALABARZON, MIMAROPA, at Bicol Region dahil sa epekto ng Easterlies.
Makararanas naman ng magandang panahon, bahagyang maulap hanggang sa maulap na panahon ang Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon na may mga panandaliang pag-ulan o localized thunderstorms sa hapon o sa gabi.
Ang bahagi naman ng Visayas ay makararanas ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan dulot ng ITCZ.
Makararanas din ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao dulot pa rin ng ITCZ habang magandang panahon naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Mindnao na may posibilidad ng localized thunderstorms sa hapon o sa gabi.
Walang nakataas na gail warning sa mga baybaying dagat ng bansa kaya’t malayang makpaglalayag ang mga mangingisda at mga may maliliit na sasakyang pandagat.
Samantala, nalusaw na ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) kaninang alas-2:00 ng madaling araw.