Sinabi ng DFA na kabilang sa mga consular office na magbubukas ay sa bahagi ng Cotabato, La Union, Puerto Princesa, Santiago at Tuguegarao.
Mananatili naman anilang sarado ang mga consular office sa Luzon hanggang sa pagtatapos na enhanced community quarantine.
Ayon pa sa kagawaran, bukas pa rin ang mga consular office sa Visayas at Mindanao tulad sa Butuan, Dumaguete, General Santos, Tacloban at Clarin.
Gayunman, dahil nakasailalim sa general community quarantine ang Misamis Occidental hanggang May 15, kailangang magpakita ng ilang dokumento ng mga aplikante mula sa labas ng probinsya ng Clarin para makapasok.
Inanunsiyo rin ng DFA ang pagpapatupad ng ‘new normal’ process kasabay ng muling pagbubukas ng ilang consular office.
“We seek the understanding of the public as we shift to a ‘new normal’ process so that we can minimize potential health hazards for applicants and our personnel alike while ensuring the prompt and efficient delivery of consular services to the public,” paliwanag ni Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer.
Para mapairal ang health protocols ng Department of Health (DOH), suspendido muna ang walk-in applications sa GCQ period.
Susundin pa rin anila ang physical distancing kung kayat kailangan nang magpa-schedule ng appointment sa pamamagitan ng e-mail.
Hinikayat ddin ang mga aplikante na mag-avail ng online payments at delivery ng pasaporte para maiwasan ang physical contact.
Maaari pa rin naman anilang makapag-avail ng nasabing serbisyo at makapag-transact at kunin ang pasaporte at dokumento sa consular officers habang isinasagawa ang physical distancing measures.
Samantala, ang mga aplikante na may edad 60 pataas, inabisuhan ng DFA na huwag na munang ituloy ang kanilang aplikasyon sa ngayon.
Kung ito ay urgent, sinabi ng kagawaran na makipag-ugnayan sa Office of Consular Affairs kung paano maa-accommodate.
Tuloy pa rin anila ang isasagawang pagsusuri ng temperatura, pag-control ng bilang ng papapasuking tao at pagsusuot ng face mask sa consular office.