Karagdagang P1,000 pensyon sa mga senior citizen, hiniling na ibigay na

Hiniling ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan na ang Social Security System (SSS) na ibigay na ang P1,000 na dagdag sa pensyon ng mga retirado.

Ayon sa kongresista, hindi kasama sa social amelioration program ng DSWD ang mga retirado na nakakatanggap ng SSS at maging ng GSIS pension.

Sinabi ni Rodriguez na malaking tulong para sa mga retirado na senior citizens ang dagdag na P1,000 sa kanilang natatanggap na pensyon.

Karamihan na rin aniya sa mga retirees ay may maintenance medicines bukod pa sa vulnerable at sensitibo na rin ang mga ito sa pagkakasakit ng COVID-19.

Malaki aniya ang maitutulong ng dagdag na P1,000 pensyon sa SSS para sa gastusin at pangangailangan ng mga senior citizens.

Kasabay nito ang pag-endorso ng kongresista sa liham ng mga senior citizens na ipinadala sa Malakanyang na humihiling na ibigay na ang ikalawang installment ng kanilang P2,000 pension increase.

Unang ibinigay ang P1,000 noong 2017 habang dapat ay noong nakaraang taon pa dapat ibibigay ang natitirang P1,000 dagdag sa pensyon ng mga retirees na hindi rin natupad dahil humahanap pa ng pondo para dito ang SSS.

Read more...