Inakusahan ng isang Davis Chavez Flores, miyembro rin ng INC, sina Menorca at ang kaniyang nakahiwalayang asawa na si Aedtnavye Juntilla Lazo na magka-laguyo.
Inihain na ni Flores ang kaniyang reklamong adultery laban sa dalawa sa Manila city prosecutor’s office.
Ayon kay Flores, may suspetya na siya na sa dalawa, tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas nang sila ay ikasal ni Lazo noong May 2007, nang ipakilala niya si Menorca sa kaniyang asawa.
Matagal na rin aniya silang magkakilala at magkaibigan ni Menorca dahil pareho lang sila ng pinapasukang trabaho.
Maka-ilang buwan lamang aniya nang magkakilala ang asawa niya at si Menorca, may mga nagpapadala na umano ng mga mamahaling pagkain sa kanilang bahay, at lalo pang lumalim ang hinala niya nang umuwi ang asawa niya na may bitbit na mamahaling stuffed toy.
Dumalas rin aniya ang pag-sama ni Menorca sa kanilang mag-asawa tuwing naglalaro sila ng badminton, at may nakita na rin siyang mga toiletries mula sa iba’t ibang hotel sa kanilang bahay.
Dagdag pa ni Flores, halos mula nang sila ay ikasal, magkahiwalay sila ng tinutulugang kuwarto ni Lazo.
May isang kapitbahay pa umanong nagsabi sa kaniya na may iba na ang kaniyang asawa pero hindi siya naniwala, hanggang sa madiskubre niya ang blog ni Menorca na downerofajsheart.blogspot.com.
Dito na niya nakita ang mga ebidensyang litrato na magkasama sina Menorca na nagtago sa pangalang “Eric” at Lazo bilang “AJ” sa kanilang mga patagong pagkikita.
Kinumpronta ni Flores si Lazo, Setyembre ng nakaraang taon, at bagaman itinanggi niya ito sa una, kalaunan naman ay umamin din ito ngunit imbis na humingi ng tawad, nilayasan pa aniya siya ng kaniyang asawa.
Naniniwala rin si Flores na magkasamang naninirahan sa isang apartment ang dalawa base na rin sa mga laman ng blog ni Menorca.
Nagdesisyon na siyang magsampa ng kasong adultery nang makita niya ang mga karagdagang litrato sa isang post sa Facebook noong February 9 lamang.
Hindi na rin aniya niya kinumpronta si Menorca, sa halip ay mas gusto niyang harapin ito sa korte.
Samantala, ikinagulat at kinuwestiyon ni Menorca ang timing ng pag-labas ng isyu kung kailan kalalabas lang niya ng kulungan.
Gayunman, tumanggi muna siyang mag-komento tungkol dito, at sinabing hinahanapan na naman umano siya ng dumi at ginagawan ng kuwento, kaya kinausap na niya ang kaniyang abogado.