Mananatili pa sa balota ang pangalan ng yumaong si Congressman Roy Señeres bilang isa sa mga kandidato sa pagkapangulo sa May 9 national elections.
Paliwanag ni Commission On Elections Chairman Andres Bautista ito ay dahil sa magkaiba kasi ang paninindigan ng pamilya at partido ni Señeres.
Una rito naghain ng mosyon ang pamilya ni Señeres na wala nang sa-substitute na kandidato sa yumaong mambabatas habang kinontra naman ito ng kanyang partidong OFW partylist.
May ilang kaanak din aniya ni Señeres ang nagtext kay Bautista na nagsasabing gusto nilang pag-isipan muna kung magkakaroon pa ng substitution
Sa ilalim ng omnibus election code maaring magkaroon ng substitution ang yumaong kandidato hanggang sa tanghali ng mismong araw ng eleksyon basta’y kapareho ito ng apelyido at partido.
Magugulo lamang aniya ang COMELEC kung tatanggalin ang pangalan ni Señeres dahil maari pang umakyat sa Supreme Court ang partido ni Señeres.
Pakiusap ni Bautista sa partido at pamilya ni Señeres, huwag na sanang gamitin ang pangalan ng kongresista sa pulitika, bilang respeto na rin lang sa mambabatas.
Hindi maikakaila na maganda ang naging legasiya ni Señeres bilang isang mambabatas.