Manila City gov’t, mamamahagi ng libreng gatas para sa mga senior citizen

Mamamahagi ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng libreng gatas para sa mga senior citizen.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, nasa 120,886 senior citizens ang makakatanggap ng 400 gramo ng gatas simula sa Lunes, April 27.

Sinabi ng alkalde na layon nitong magbigay ng karagdagang proteksyon sa mga senior citizen.

“Ang City of Manila ay bumili ng gatas at ito po ang nakita naming na isang masustansyang gatas o supplement na maaari namin manlang maibigay sa inyo pandagdag sa proteksyon sa inyong kalusugan,” pahayag ni Moreno.

Isinagawa aniya ng Manila City government ang nasabing hakbang matapos lumabas ang mga pag-aaral na mas mapanganib sa COVID-19 ang mga senior citizen.

Ayon sa alkalde, ang mga opisyal ng barangay ang mag-aabot ng gatas.

“Kung meron man na hindi mabibigyan na senior citzen na nasa loob ng Maynila, nakatira sa Maynila, nakarehistro sa Maynila, dapat magkaroon ng isang lata ng gatas,” dagdag pa ni Moreno.

Ito na ang second wave ng tulong na iniabot ng Manila LGU para sa mga senior citizen.

Read more...