DOH, IATF pinakikilos sa ginagawang pagpapabayad ng private hospitals sa mga donasyong PPE

Kinalampag ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Department of Health o DOH at Inter-agency Task Force kaugnay sa ginagawang pagpapabayad ng ilang private hospitals sa mga donasyong personal protective equipment (PPEs) sa kanilang mga pasyente.

Ayon kay Herrera, unang linggo pa lang ng Abril lumabas ang mga reklamo hinggil dito ngunit tila wala pa ring aksyon ang mga otoridad.

Batay sa Private Hospitals Association of the Philippines, ang kada critical COVID-19 patient ay maaaring kumunsumo ng 12 hanggang 18 PPE kada araw.

Hindi na nagulat ang kongresista kung bakit umabot ng mahigit P300,000 ang bill ng ilang COVID-19 patient para sa tatlong linggong confinement.

Napag-alaman na ilang mga ospital ang naniningil ng P1,500 hanggang P4,000 kada PPE na napag-alamang donasyon pala sa mga pagamutan.

Malinaw aniya na profiteering at panlalamang sa kapwa ang ginagawa ng naturang mga ospital na kinakailangang maaksyunan at maparusahan.

Hinimok naman ng mambabatas ang mga doktor sa mga pribadong ospital na sila na mismo ang magsabi sa kanilang mga pasyente kung donated ang kanilang suot na PPE upang hindi na ito maisama sa billing at maiawas sa kanilang babayaran sa ospital.

Read more...