Estudyanteng bumastos sa bandila, isang high school student ng UE

 

Inquirer.net/FB

Kinumpirma ng University of the East na kanilang estudyante ang lalakeng makikita sa isang viral video na naglilinis ng sahig gamit ang bandila ng Pilipinas.

Sa kanilang statement, mariing kinundina ni UE President and Chief Academic Officer Ester Garcia ang ginawang pambabastos ng hindi kinilalang high school student sa watawat.

Nakikiisa aniya ang paaralan sa pagkadismaya sa ginawa ng mga bata.

“The UE community deplores, in the strongest possible terms, the said utterly disrespectful deed which was done inside one of our classrooms in the high school department. The act was committed, video-recorded, and posted online all within Feb. 9, 2016,” pahayag ni Garcia.

Agad na bumuo ng disciplinary committee ang paaralan at ipinatawag na ang mga magulang at maging ang mga estudyanteng sangkot sa bandalismo at pinag-aaralan na ang posibleng parusa laban sa mga mag-aaral.

Una nang nag-viral ang video ng isang estudyanteng ginagamit na mistulang mop ang watawat ng Pilipinas sa sahig ng kanilang silid-paaralan na bini-videohan naman ng isa pa sa mga kaklase nito.

Matapos lumutang ang video, agad na pinaimbestigahan ng Department of Education ang insidente.

Sa ilalim ng Heraldic Code of the Philippines, maaring patawan ng multang P5,000 hanggang P20,000 at pagkakakulong ng hanggang isang taon ang mahuhuling bumabastos sa Philippine flag.

Gayunman, paliwanag ni DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, maaring makalusot sa parusa ang gagawa nito kung mapapatunayang ito ay nasa 15 anyos o pababa ang kanyang edad.

Read more...