Cayetano, dumepensa sa akusasyon nina Sandra Cam at ibang senatoriables

 

Inquirer file photo

Nagpaliwanag si Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay sa akusasyon sa kaniya nina senatorial aspirant Sandra Cam at iba pang kandidato.

Ayon kasi kay Cam, pinigilan sila ng mga tauhan ni Cayetano na umakyat sa entablado sa paglu-lunsad ng kampanya nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Cayetano sa Tondo noong Martes.

Dahil dito, ani Cam, nawalan sila ng pagkakataon na ilatag ang kanilang mga plataporma sa harap ng mga taong naroon sa campaign rally.

Ayon naman kay Cayetano, limitado lamang ang oras nila at ang event ay hindi para sa kanila, kundi para kay Duterte at nang maipaliwanag niya ang mga pagbabagong nais niyang gawin sa bansa.

May mga sakripisyo talaga sa individual campaigns, at kung tunay nilang sinusuportahan si Duterte, wala dapat maging problema sa pagsa-sakripisyo ng kaunti.

Nilinaw rin ni Cayetano na wala pa silang opisyal na senatorial slate, at hintayin na lang muna aniya ang desisyon ni Duterte kung sino ang kanilang opisyal na ie-endorso bilang magka-tandem.

Nanawagan naman si Cayetano na lahat ng mga sumusuporta kay Duterte ay welcome sumama, kahit pa hindi siya ang manok na maging bise presidente ng mga ito.

Sinabi rin kasi ni Cam na dahil sa ginawa ng mga tauhan ni Cayetano sa kanila, mangangampanya sila laban sa senador.

Read more...