PNoy, dadalo sa ASEAN-US Summit

 

Tuloy ang pagdalo ni Pangulong Benigno Aquino III sa ASEAN-US summit sa Sunnyland, California sa Estados Unidos.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Helle Dela Vega, ang pagdaraos ang nasabing pulong sa US ay panukala ni US President Barack Obama kasunod ng ASEAN Summit noong nanakaraang November 2015.

Si Pangulong Aquino ay lilipad sa Estados Unidos sa darating na February 15, sa layuning i-akyat ang ASEAN-US dialogue sa ‘partner level.’

Sinabi ni Asec. Dela Vega na tatagal ng dalawang araw ang meeting at gagawing ‘retreat o informal at open meeting’ kung saan pwedeng mag-panukala ng anumang isyu ang mga lider.

Sa kabuuan, tututok ang summit sa mga usaping may kaugnayan sa ekonomiya at pulitika tulad ng maritime security at transnational issues tulad ng extremism.

Gagamitin din ni Pangulong Aquino ang pagkakataon para makipagpulong sa mga negosyante at Filipino community sa Los Angeles.

Inaasahang tatanggap din si Presidente Aquino ng ‘honorary degree’ mula sa Loyola Marymount College.

Sa naturang pulong, inaasahang bibigyang pansin din ni US President Obama ang isyu ng ‘pambu-bully’ng China sa mga kapitabahay nitong bansa na kapwa umaangkin sa ilang lugar sa South China Sea.

Bukod dito, inaasahang magbibigay din ng kaukulang pahayag si Obama sa isyu ng nuclear missile test na ginawa kamakailan ng North Korea.

Read more...