Mapanirang video laban sa Navotas Fish Port iniimbestigahan ng PFDA

Iniimbestigahan na ngayon ng pamunaun ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang kumakalat na video na umano ay galing sa Facebook account ng isang Randy James Amo.

Batay sa pagsisiyasat ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ay napag-alaman nila na ang mga personalidad sa nasabing video ay sina Randy James Amo, na dating mayor ng Laurel, Batangas, at Agnes Artista, Administrative Officer ng Taal Lake Central Fish Port, na hindi nasasailalim sa tanggapan ng PFDA.

Nabatid ng PFDA, na hindi nakipag-ugnayan ang mga personalidad na nasa video sa kanilang tanggapan na nasa Navotas Fish Port Complex, sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at sa pamahalaang lokal ng Navotas bago pa man ito ipalabas.

Salungat sa nasasaad sa nasabing video, walang posiyon na “barker” sa loob ng fish port na pinamamahalaan ng PFDA. Gayunpaman, ang PFDA ay nakikipag-ugnayan sa City health office ng Navotas hinggil sa usapin.

Ikininalulungkot ng PFDA na hindi isinangguni ng mga personalidad sa video bago ito ipalabas upang masiguro ang mga impormasyong napapaloob dito.

Hindi rin daw matukoy ng PFDA kung saan kinuha ang naturang impormasyon dahil tanging ang Department of Health o kaya ang local health officials ang makakapagkumpirma ng mga kaso ng Covid-19 sa kanilang nasasakupan.

Nadidismaya ang PFDA sa pangyayaring iyon sapagkat naging katambal ng Navotas Fish Port Complex ang mga maningingisda at viajeros na galing sa Laurel, Batangas sa kanilang kalakaran.

Mariin na kinokondena ng PFDA ang iresponsableng paglikha at pagpapakalat ng nasabing video dahil sa takot, pangamba, at kawalan ng kumpiyansa na dulot nito sa mga stakeholders ng Navotas Fish Port Complex na nagsusupply ng 70% ng isda sa Metro Manila at iba’t-ibang parte ng Luzon.

Pinag-aaralan ng PFDA ang mga legal na hakbang upang maipagtanggol ang interes ng mga mangingingisda at manggagawa na nagsusumikap upang masiguro ang patuloy at sapat na supply ng isda, at sa buong komunidad na lubhang maapektuhan nang dahil lamang sa mga hakahaka at mga paratang na walang katunayan.

 

 

 

 

Read more...