Sa video conference meeting ng House Defeat COVID-19 Committee, sinabi ni dating Health Secretary Manuel Dayrit na mas mapanganib at mas mabilis ang pagkalat ng COVID-19 kumpara sa SARS.
Noong panahon aniya ng SARS ay naging epektibo ang pagtugon ng DOH dahil sa maagang pag-detect sa mga kaso sa pamamagitan ng contact tracing at agad na isolation sa mga naimpeksyon.
Pero hindi na aniya epektibo sa ngayon ang operasyon na ipinatutupad ng DOH at Epidemiology Bureau laban sa COVID-19 dahil 17 taon na ang sistemang ito bagamat nagkaroon ng improvement ay hindi naman ito makabago.
Dahil dito, iginiit ni Dayrit sa gobyerno na gawing moderno ang disease surveillance capacity ng buong bansa bilang short term response sa COVID-19.
Dapat aniyang bumuo ng Philippine Center for Disease Control kasabay ng pagtatayo ng laboratories para sa mass testing sa buong bansa, pagpapalakas ng primary care facilities, pagtatayo ng quarantine facilities, at critical care capacity para sa level 2 at 3 hospitals.
Hiniling ni Dayrit ang malinaw na master plan dahil ang mga nabanggit na hakbang lamang din ang naging paraan ng South Korea, Singapore at Taiwan para mapagtagumpayan at malabanan ang COVID-19.
Malayo aniya ang Pilipinas dito dahil bukod sa luma at “disorganized” ang sistemang sinusunod ng DOH, kulang din talaga ang healthcare workers ng bansa sa ngayon.