Ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resolusyon ng 15 senador na mag-resign na sa pwesto si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa palpak na pagtugon sa COVID-19.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, nagdesisyon na ang Pangulo na panatilihin sa puwesto si Duque.
“Yes. The President has made a decision for Health Secretary Duque to stay put. He also expressed his appreciation for the Senators’ gesture in giving him the opportunity to weigh his options on the performance his Secretary of Health,” pahayag ni Medialdea.
Umaasa aniya ang Pangulo na lalo pang pag-iigihan ni Duque ang kanyang trabaho para patunayan ang kanyang kakayahan at sinseridad na paglingkuran ang publiko lalo na ngayong nakakararanas ng matinding krisis ang Pilipinas.
“Secretary Duque was made aware of the sentiments of the Senators and the President expects him to work even harder to set aside any doubts on his capacity and sincerity to serve the public during these difficult times,” pahayag ni Medialdea.
Kabilang sa mga lumagda sa Senate resolution na pagbitiwin na si Duque ay sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Ronald “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Panfilo Lacson.
Ikinakatwiran ng mga senador ang kapalpakan ni Duque, ang kakulangan ng competence, efficiency, at foresight bordering on negligence.
Ayon sa mga senador, hindi kasi agad na inirekomenda ni Duque kay Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng travel ban sa China kung saan nagsimula ang Coronavirus.