Pagiging ‘ipokrito’ ng ilang mga pulitiko, pinuna ni Cardinal Tagle

 

Inquirer file photo/AP (2014)

Kinastigo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagiging ‘ipokrito’ ng ilang mga pulitiko at ilang mga Pilipino sa paggunita ng Ash Wednesday kahapon.

Sa kanyang homily sa Archdiocese of Manila sa Intramuros, bagama’t hindi direktang tinukoy ang mga pulitikong kumakandidato sa eleksyon, tinukoy ni Tagle ang pagtulong sa mga mahihirap ng ilang tao ngunit ipinagyayabang din naman ito kalaunan.

Paliwanag ng Kardinal, hindi kailangang ipangalandakan sa publiko ang pagtulong sa kapwa at sa halip, dapat ito ay ginagawa ng kusang-loob.

Sa tuwing gagawa ng kagandahang-loob, hindi aniya dapat may kasamang mga photographer na kumukuha ng litrato sa bawa’t aktong iniaabot ang tulong sa mga mahihirap.

Ang pagtulong aniya sa kapwa ay dapat ginagawa ng bukal sa loob at hindi upang magtawag ng atensyon patungo sa sarili.

Ang ganitong mga hakbang aniya ay hindi nakakatulong upang mapalapit ang isang tao sa Diyos, at sa halip, ay lalo pang nakapagpapalayo ng damdamin sa Panginoon.

Nagbabala rin ang Kardinal na sa mga susunod na araw, marami ang magbibigay ng tulong at kalinga sa mga mahihirap, ngunit ilan lamang dito aniya ang maituturing na tunay na pagtulong kapwa.

Read more...