One-time Bayanihan Financial Assistance katumbas ng kalahati ng monthly IRA ipagkakaloob na sa provincial LGUs

Positibong tinugunan ng ehekutibo ang rekumendasyon ni Senator Christopher “Bong” Go na pagkalooban ng one-time “Bayanihan” financial assistance ang Provincial local government units, katumbas ng kalahati ng kanilang one-month Internal Revenue Allotment.

Ang pormal na anunsiyo at detalye sa katurang ayuda ay ilalabas sa mga susunod na araw.

“Tama lang na tulungan natin ang mga probinsya kahit sa pinaka-malalayong mga lugar. Ang pondong ito ay magagamit para ma-equip ang kanilang mga ospital, madagdagan ang kanilang quarantine and health facilities, at higit sa lahat, mabigyan sila ng dagdag na kapasidad na rumesponde sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan,” Sabi ni Go.

Ayon sa Senador, bagaman one-time grant lamang itong dagdag na pondo ay malaki ang maitutulong nito para epektibong marespondehan ng PLGUs ang dagdag na pangangailangan ng kanilang constituents at suporta sa national government sa implementasyon ng mga hakbang para labanan ang COVID-19 crisis.

Binigyan-diin kamakailan ng senador na titiyakin ng PLGUs ang kahandaan ng provincial hospitals para sa COVID-19 health emergency lalo’t sa kanila nakatoka ang pagpopondo para dito, at ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga naturang local health facilities.

“Marami sa mga patients natin ay sa provincial hospitals po unang dinadala. It is the PLGUs that pay for the operations of these hospitals,” paliwanag pa nito.

Maliban sa pagpopondo ng provincial hospitals, pinunto ni Go, na katulad ng mga lokal na opisyal ay tungkulin din ng tog
PLGUs na siguruhin ang matagumpay na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) measure, maglaan ng food assistance para sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa kanilang hurisdiksiyon at higit sa lahat ay magbigay ng financial support, shelter o quarantine quarters para sa mga stranded non-residents sa kanilang lugar.

Bilang miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee na nakatutok sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act, pinaalalahanan ni Go ang PLGUs na panatilihin ang transparency and accountability sa lahat ng oras.

Idinagdag pa niya na ang pondo ay dapat eksklusibong magamit para sa pakay nito bilang tugon sa ng COVID-19 pandemic at batay sa determinasyon ng national government.

“Gamitin sa tama pangtulong sa mga tao. Importante na malampasan natin ito ng sama-sama, walang pulitika, walang masasayang, at walang pinipili ang tinutulungan,” saad pa nito.

Ang pondo para sa PLGUs ay matapos ang pagkaka-apruba sa naunang rekumendasyon ni Go na ilabas ang one-time ‘Bayanihan’ financial assistance sa mga lungsod at munisipalidad. Ang halaga ng tulong sa kada lungsod o munisipalidad ay katumbas ng kanilang isang buwang Internal Revenue Allotment (IRA).

“Magbayanihan tayo. Dapat magtulungan ang LGUs at national government agencies, pati na rin ang private sector, para matapalan kung ano man ang kulang sa mga kailangan ng taumbayan,” pag-gigiit pa ni Go.

 

 

 

 

Read more...