Top 4 leader ng BIFF, arestado sa Maguindanao

arrestedNaaresto sa inilunsad na joint Armed Forces of the Philippines/Philippine National Police operation kagabi ang ikaapat na top most leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa may Barangay Kalanganan, Cotabato City.

Kinilala ni 6th ID spokesperson Capt. Joanne Petinglay ang naarestong top BIFF leader na si Hassan Indal alias Abu Hazam.

Si Indal ay siyang Vice Chairman for Internal Affairs ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement at Commander din ng 4th Division sa BIFF.

Sangkot si Indal sa iba’t ibang kriminalidad at atrocities sa Central Mindanao simula ng mabuo ang BIFF noong 2010.

Sinabi ni Petinglay na pinaniniwalaang nagtatago sa Cotabato City si Indal para iwasan ang nagpapatuloy na sagupaan sa pagitan ng militar at BIFF sa may Butilen River, Datu Salibu, Maguindanao.

Narekober ng militar at pulisya ang mga 1 M653 rifle, magazine at bala, 1 cal.45 at 2 magazine at bala, at 1 fragmentation grenade.

Samantala, handa ang AFP sakaling may pangangailangan para dalhin dito sa Metro Manila si Indal.

Karamihan kasi sa matataas na lider ng bandidong grupong Abu Sayyaf at BIFF ay ikinukulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, may available namang transportasyon ang AFP para ibiyahe si Indal patungo sa Metro Manila.

Gayunpaman, nilinaw ni Padilla na sa ngayon ay wala pa sila sa puntong ito bagkus ay kailangan munang pag aralang mabuti ang sitwasyon saka magdedesisyon hinggil sa bagay na ito.

Read more...