Video from Filipino Netizens’ FB page
Nakarating na sa kaalaman ng Department of Education ang paglapastangan ng isang estudyante sa bandera ng Pilipinas, na ang video ay viral na ngayon sa social media.
Ayon kay Education Asec. Tonisito Umali, labis silang nalulungkot na may ganitong pangyayari na pambabastos sa watawat ng bansa.
Aniya paiimbestigahan nila ang pangyayari para malaman kung saan paaralan ito nangyari at kung sino ang estudyante na ginawang basahan sa sahig ang watawat.
Sinabi pa ng opisyal na maaaring papanagutin sa paglabag sa Republic Act 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Kahapon ng tanghali, ang video ng pambababoy ng estudyante sa philippine flag ay napanood na ng mahigit sa 1.2 million Facebook users at libo libo na rin ang pumuna at nagpahiwatig ng matinding galit sa kalapastanganan ng estudyante.