Ayon kay Defensor, posibleng magkaroon ng shortage o kakulangan ng mga nurse sa bansa sa oras na matapos ang kinakaharap na krisis ng buong mundo.
Posible aniyang kumilos ang mga mayayamang bansa para palawakin ang kanilang public health system capacity sa oras na humupa ang pandemic sa pamamagitan ng pagre-recruit ng mas maraming Pinoy nurses.
Sa ngayon aniya ay may kautusan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pansamantalang itigil muna ang deployment ng mga nurse at 12 iba pang categories sa ilalim ng medical professionals/technicians sa bansa dahil sa pagkalat ng mapanganib na respiratory disease.
Duda si Defensor na mapipigilan ng gobyerno ang mga nurse na mag-abroad at humanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.
Dahil dito, hinikayat ng mambabatas ang Kongreso na itaas sa P60,000 ang starting pay ng mga bagong nurse sa public at private hospitals upang mahikayat ang mga ito na hindi na umalis ng Pilipinas.
Hindi man aniya mapigilan ang mga nurse na pumunta ng Estados Unidos at mga bansa sa Europa, ang P60,000 starting pay na isinusulong na sahod ay hindi nalalayo sa iniaalok na sweldo sa Saudi Arabia at iba pang mga bansa sa Middle East.
Sa kasalukuyan, ang mga nurse na nagtatrabaho sa mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health o DOH ay nakakatanggap ng P32,053 starting pay at sa ilalim ng Salary Standardization Law for civil servants ay mayroong taun-taon na pagtaas hanggang sa umabot sa P36,619 na starting pay sa pagsapit ng 2023.