Gobyerno, pinabubuo ng wage subsidy program para sa mga middle class

Pinabubuo ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda si Pangulong Rodrigo Duterte ng wage subsidy program bilang ayuda sa mga kabilang sa middle class.

Sa kaniyang liham sa pangulo, inirekomenda ni Salceda na magkaroon ng P45 bilyong pondo para sa wage subsidy sa ilalim ng Payroll Support for Workers, Entrepreneurs, and Self-employed (PSWES) Program.

Aniya, makikinabang dito ang 5.98 milyong empleyado at manggagawa mula sa small and medium enterprises, gayundin ang mga sole entrepreneurs at mga kabilang sa “gig economy” o iyong mga freelancers, flexible, temporary at self-employed workers na kabilang sa middle class.

Paliwanag ni Salceda, apektado din ang negosyo at trabaho ng mga nasa middle class dahil sa ipinapatupad na enhanced community quarantine sa nakalipas na buwan.

Mahalaga aniyang matiyak na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga enterprises dahil sa malaking ambag nito sa ating ekonomiya at job preservation.

Iminumungkahi ni Salceda ang wage subsidy sa mga middle class na 1/4 o 1/3 ng kanilang buwanang sahod na ibibigay sa loob ng dalawang buwan.

Ipapamahagi ang ayuda na ito sa formal workers sa pamamagitan ng Social Security System (SSS) katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Samantala, sa freelancers o mga kabilang sa gug economy, inirekomenda ng mambabatas ang open-application window katulad sa Covid Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE.

Read more...