Ebdane, Vitangcol, pinakakasuhan ng Ombudsman

Vit Ebd
Inquirer File Photo

Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman si dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. dahil sa umano’y pagbigay ng mining permits pabor sa isang kumpanya.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, may probable cause para kasuhan si Ebdane ng paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act at Revised Penal Code sa ilalim ng usurpation of official functions.

Batay sa sa 32-pahinang resolusyon ng Environmental Ombudsman special team, inaprubahan din ni Morales ang pagsasampa ng kaso laban kay Romelino Gojo na miyembro ng Provincial Mining Regulatory Board.

Pinakakasuhan din ng paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 ang mga pribadong indibidwal na sina Weng Chen, Camilo Esico at tatlong iba pa mula sa Geoking Asia Mining Corp.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo na isinampa ng Consolidated Mines Inc. na siyang may hawak ng mineral rights ng Coto Chromite Mines.

Bilang gobernador ay nagpalabas si Ebdane ng small scale mining permits sa Geoking kaya nakakuha at nakapagbiyahe ito ng chromite na nagkakahalaga ng mahigit P211 milyon mula sa Coto Mines na siyang mineral rights holder.

Sinabi ng Ombudsman na dapat kasuhan si Ebdane dahil pinaburan nito ang Geoking at dahil sa usurpation of powers bunsod ng pagkakaloob nito ng permits ng walang authority.

Samantala, sa hiwalay na resolusyon, pinakakasuhan na rin ni Morales si dating MRT General Manager Al Vitangcol III at limang iba pa kaugnay ng umanoy iregular na maintenance contract sa rail system.

Nakasaad sa resolusyon ng Ombudsman na may probable cause na kasuhan sina Vitangcol, Wilson de Vera, Marlo dela Cruz, Manolo Maralit, Federico Remo at ang uncle-in-law ni Vitangcol na si Arturo Soriano, na ngayo’y Provincial Accountant ng Pangasinan.

Sinabi ni Morales na nagsabwatan ang mga ito para ipagkaloob ang MRT contract sa Philippine Trans Rail Management and Services Corp.

Ayon sa Ombudsman, ginamit ni Vitangcol ang kanyang kapangyarihan at authority para diktahan ang proponents ng inisyal na negosasyon sa maintenance contract ng MRT.

Nahaharap si Vitangcol at ibang akusado sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Reform Act. / Len Montaño

Read more...