48 patay sa tumaob na bangka sa Ormoc City

CONTRIBUTED PHOTO FROM MIQUICAR PHOTO STUDIO
Contributed photo from Miquicar photo studio

(updated July 3, 2015 6:00pm) Umabot na sa 48 ang bilang ng mga nasawi sa tumaob na MB Kim Nirvana sa Ormoc City.

Sa update mula sa Philippine Coast Guard (PCG) Eastern Visayas District, nasa 141 naman ang bilang ng mga nailigtas.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Coast Guard Eastern Visayas District Commander Capt. Pedro Tinampay, na accounted for na ang lahat ng 189 na mga pasahero at crew ng bangka.

“Wala nang hinahanap, kasi 189 ang bilang ng lahat ng sakay ng MB Nirvana, sa ngayon accounted for na lahat, hopefully wala na tayong makikita pa,” ayon kay Tinampay.

Iniaangat na lang ngayon ng mga tauhan ng Coast Guard ang tumaob na bangka.

Ayon sa Coast Guard, kaaalis lamang ng Port of Ormoc ng nasabing bangka patungo ng Camotes Island nang ito ay hampasin ng malalakas na alon. Katunayan malapit lang sa pantalan ng Ormoc ang tumaob na bangka.

Bahagyang tumagilid ang bangka kaya nagpanic ang mga pasahero at nagpuntahan sa kabilang bahagi, doon na mabilis na tumaob ang bangka.

Sa pahayag ng mga nakaligtas na pasahero, walang nakatalon na sakay ng bangka dahil sa sobrang bilis ng naging pangyayari.

Hawak na ng Coast Guard ang kapitan at crew ng bangka at ipagpapatuloy ngayong araw ang search and rescue operations sa iba pang nawawala.

Sa ngayon, “human error” ang tinitignang dahilan ng Coast Guard sa naganap na pagtaob ng barko. Sa inisyal na impormasyon ng PCG, hindi naman masasabing overloaded ang nasabing bangka.

Kaugnay nito, umusad na ang imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa nasaing trahedya.

Ayon kay Atty. Bash Adil, Maritime Safety Director ng MARINA, agad na kumilos ang kanilang enforcement office sa Tacloban City kung saan nakarehistro ang MB Kim Nirvana.

Kinakalap na umano ng kanilang tanggapan doon ang mga rekord at papeles ng MB Kim Nirvana gaya ng certificate of ownership, safety certificate, manning certificate at certificate of public convenience para maimbestigahan./ Ricky Brozas may ulat mula kay Ruel Perez at Dona Dominguez-Cargullo

Read more...