Sa virtual press briefing, sinabi ni Dr. Beverly Ho, Special Assistant to the DOH Secretary, na karamihan sa mga naitalang COVID-19 cases sa Pilipinas ay matatanda at kalalakihan.
Batay aniya sa datos, 42 porsyento ng mga lalaking Filipino ay naninigarilyo at halos isang milyon ang gumagamit ng vape.
Ani Ho, mas madaling kapitan ng virus ang mga taong naninigarilyo dahil nakakapanghina ito ng immune system ng isang tao.
“Gusto po natin silang paalalahanan na mas vulnerable po sila sa COVID-19 kaysa sa ibang tao. Smoking is known to weaken the immune system,” pahayag ni Ho.
Dagdag pa nito, mas madaling maapektuhan ang paninigarilyo ng respiratory illness kabilang ang sipon na kabilang sa Coronavirus family.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na umiwas sa second hand smoking.
“Pinapakiusapan po namin ang mga smoker na ihinto ang paninigarilyo para sa inyong kapakanan at kalusugan. Pinapaalalahanan din po namin ang general public na umiwas sa second hand smoke mula sa vape or sa regular cigarettes,” payo pa ng DOH.