SSS pensioners dapat isama sa social amelioration program

Kinuwestyon ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Disease na huwag isama ang pensioners ng Social Security System (SSS) bilang benepisyaryo ng social amelioration package.

Sabi ni Zarate, dapat naman ay ikinunsidera kahit iyong mga tumatanggap ng mas mababa sa P5,000 SSS pension kada buwan.

Paliwanag ng kongrsista, sa kasalukuyan ay P2,000 lamang ang basic SSS pension kaya hindi tamang ma-etchapwera ang mga ito sa ayuda ng gobyerno lalo na sa panahon ng krisis.

Ito rin anya ang dahilan kaya bago pa man tumama ang COVID-19 pandemic ay isinusulong nilang mai-release na ang second tranche ng P1,000 SSS pension increase.

Iginiit ng mambabatas na karamihan sa mga senior citizen ay walang sapat na pambili ng pagkain at maintenance medicines.

Kaya naman mungkahi no Zarate sa gobyerno, bigyan ng P4,500 ang mga senior na tumatanggap lamang ng P500 kada buwan at P3,000 naman para sa SSS pensioners na ang pension ay P2,000 para makakuha rin sila ng P5,000 na financial assistance.

 

 

Read more...