Si Tolentino ay humarap sa League of Municipalities of the Philippines general assembly kung saan aabot sa mahigit 800 alkalde ng mga munisipalidad ang dumalo.
Iginiit ni Tolentino na dapat na amyendahan ang mahigit 20 taon nang Local Government Code para mas mapalawig ang papel ng mga LGU at mabigyan ng mas malaking porsyento sa internal revenue allotment o IRA.
Partikular na isinulong ni Tolentino na dating alkalde ng Tagaytay City, na agad ma-replenish o mapunan ng gobyerno ang 5% calamity fund ng mga LGU kapag nagamit na ito sa mga bagyo at iba pang kalamidad.
Kasabay naman ng pagsisimula kahapon ng opisyal na campaign period para sa mga national candidate, inilunsad ni Tolentino ang kanyang kampanya sa Cavite kasama ang kapatid na si Cong. Bambol Tolentino, si Cavite Gov. Jonvic Remulla at Vice Gov. Jolo Revilla .
Nanawagan din si Tolentino sa iba pang kandidato na pawang mahahalagang isyu ang tutukan sa kampanya tulad ng pagtitiyak ng ‘inclusive’ growth sa pamamagitan ng paghahatid ng de-kalidad na serbisyo publiko sa edukasyon at kalusugan.
Kabilang din ang isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea at ang dati na niyang adbokasiya sa disaster preparedness ang aniya ay dapat maging sentro ng mga plataporma ng mga kandidato.