Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, aprubado na ang mas pinadaling proseso ng visa rules para sa mga dayuhan na mayroong pending application sa iba’t ibang uri ng visa sa panahon na ipinatutupad pa ang Enhanced Community Quarantine dahil sa coronavirus disease COVID-19.
Sinabi ni Commissioner Morente na layon nito na maresolba ang problema ng mga dayuhan na inabutan sa bansa ng lockdown at nagnanais na makauwi na sa kanilang mga bansa pero hindi pa nakakakumpleto ng buong proseso ng kanilang visa application.
Sa regular kasi na proseso ng Immigration, ang mga banyagang may aprubado nang visa application ay kinakailangan pang magsumite ng kanilang pasaporte sa BI para mailagay ang kanilang approved visa.
Ayon kay Bureau of Immigration Port Operations Division Chief Grifton Medina, ang mga paalis na foreigner na may aprubadong visa ay hindi na hahanapan ng affixed visa sa kanilang pasaporte.
Sinabi ni Medina na kailangan ng mga foreigner na magprisinta sa mga Immigration officer ng kanilang valid passports, printout ng pangalan at patunay na mayroon na itong aprubadong visa application, endorsement ng Department of Justice (DOJ) o certification mula a providing office at official receipts bilang patunay na nakabayad na ng kanilang re-entry at exit permit fees.