Nanawagan sa National Bureau of Investigation ang Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na maimbestigahan din si Vice President Leni Robredo dahil sa umano´y posibleng pakikipag-kumpitensiya nito sa mga ahensiya ng gobyerno sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sa isang pahayag na ipinadala sa mga miyembro ng media ni PACC Commissioner Manuelito Luna, sinabi nito na marapat ding isama ng NBI sa kanilang mga iniimbestigahan ang mismong Bise Presidente dahil sa illegal solicitations at dahil sa mga hakbang nito na kumukumpitensiya at mistulang nagmamaliit sa mga hakbang ng national government sa gitna ng public health emergency o national calamity.
Binanggit ni Luna ang pagkakaloob ng Office of the Vice President ng free shuttle service at libreng dormitoryo para sa mga health worker at pamimigay ng mga personal protective equipment o PPE para sa mga health worker.
Naniniwala si Atty. Luna na maaring paglabag ito sa NDRRMC law at sa implementing rules and regulations, gayundin ang posibleng paglabag sa solicitation permit law at iba pang kaugnay na batas.
Sinabi pa ni Atty. Luna na posibleng nalalabag din ng Bise Presidente ang panuntunan at protocols ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases na masawata ang pagkalat ng SARS Cov 2.
Paliwanag pa ni Atty. Luna, ang pagiging parte ng Bise Presidente ng Gobyerno, bawal itong makipag-kumpitensiya sa DOH, DSWD, OCD o NDRRMC o hindi rin nito maaring maliitin ang mga ginagawang hakbang ng naturang mga ahensiya ng pamahalaan.