Tamang treatment guidelines sa COVID-19, ipinaalala ng FDA sa health professionals

Muling pinaalalahanan ng Food and Drug Administration o FDA ang lahat ng health facilities at health professionals sa bansa na sundin ang tamang treatment guidelines ng Department of Health (DOH) at ng medical societies.

Ginawa ng FDA ang naturang pahayag matapos maglabasan sa social media ang umano’y mga kumbinasyon ng mga gamot kontra COVID-19.

Una nang kumalat sa ilang media platforms ang drug combination na Procaine at Dexamethasone na may Vitamin B na kung tawagin ay “Prodex-B” na umano´y may malaking lunas sa viral infections at iba pang uri ng sakit.

Pero ayon sa FDA, base sa kanilang verification, ang produktong “Prodex-B” ay hindi pala rehistrado sa FDA.

Ayon sa FDA, ang Procaine at isang anesthetic para mabawasan ang kirot sa injections habang ang Dexamethasone ay isang corticosteroid na dapat ay maingat ang paggamit dahil sa dala nitong side effects gaya ng immunosuppression o mahinang immune system

Binigyang diin pa ng FDA na ang hindi mga rehistradong gamot ay walang garantiya na dekalidad, ligtas at mabisa na maaring makasama sa pasyente.

Pinapayuhan pa ng FDA ang mga pasyente na nakainom ng naturang mga gamot na i-monitor nang mabuti ang magiging reaksyon ng kanilang katawan.

Maaring makipag-ugnayan sa FDA sa email address na cdrr@fda.gov.ph at i-report sa ereport@fda.gov.ph.

Read more...