370 Filipino crew mula sa Italy, nakauwi na ng Pilipinas

Nakauwi na ng Pilipinas ang nasa 270 Filipino crew members mula sa tatlong cruise ship na nakadaong sa Italy, Sabado ng gabi.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ito ay bahagi ng hakbang ng gobyerno para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa abroad sa banta ng COVID-19.

Kabilang sa mga ni-repatriate ang 248 Filipino mula sa MV Costa Luminosa sa Milan, at 122 Filipinos mula naman sa MV Grandiosa at MV Opera na nakadaong sa Rome.

Napauwi balik ng Pilipinas ang Filipino crew members sa pamamagitan ng chartered flight sa tulong ng Philippine Embassy sa Rome, Philippine Consulate General sa Milan, at DFA-Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs.

Nakipag-ugnayan din ang DFA sa Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE) and Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Transportation (DOTr), Department of Interior and Local Government (DILG), at mga local manning agencies.

Sumailalim ang 370 Filipinos sa medical check-up at nakitang asymptomatic bago sumakay ng eroplano.

Sasalang din sa mandatory 14-day facility-based quarantine ang mga Filipino sa pangunguna ng Bureau of Quarantine.

Read more...