Nanawagan sa pamahalaan ang dalawang lider ng Kamara upang i-waive na ang mga karagdagang bayarin para sa mga container na galing sa ibang bansa na nanantili sa mga pantalan ng bansa.
Ayon kina House Committee on Economic Affairs at Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong at House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap hindi na dapat pang magpataw ng karagdagang bayad sa mga dumarating na container sa bansa habang epektibo ang Enhanced Community Quarantine.
Paliwanag ng mga ito, ang pagkabibin ng mga kargamento sa mga pantalan ay nagdulot na ng malaking epekto iba’t ibang industriya na nakadepende sa importasyon.
Sabi ni Ong, “The government also has to protect the import sector during these crucial times. Much of the things that we are using to survive this crisis all came imports.”
Ang pagpapatuloy anila ng paniningil ng storage, demmurage at detention charges sa mga containers sa kabila ng lockdown ay magdudulot lamang ng pagtaas sa presyo ng mga produkto kabilang na ang mga pangunahing pangangailangan.
Marami ayon kina Ong at Yap na mga containers sa iba’t-ibang pantalan ang hindi nakukuha ng mga importers dahilan upang malugi ang mga ito pero patuloy pa rin ang ginagawang pagpapataw sa kanila ng karagdagang bayarin ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Ports Authority (PPA).
Nakatengga anila ang daan-daang mga container sa mga pier dahil sa karamihan sa mga kumpanya ay hindi nag-o-operate, hindi makalabas ang mga truck at drivers at maraming mga lansangan sa National Capital Region (NCR) ang sarado dahil sa mga checkpoint.
Bukod dito, suspendido anila ang operasyon ng Manila International Container Port dahil sa isang empleyado nito ang nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19.
Iginiit naman ni Yap na kung ipagpapatuloy ang paniningil ay ang mga ordinaryong consumer ang mahihirapan dahil sa kanila ipapataw ang dagdag na bayarin.
” Ultimately, it is the ordinary consumer who would suffer most because of these additional charges. The government must temporarily suspend the imposition of these extra fees to stop the sudden surge on the cost of imported commodities,” dagdag ni Yap.