Kaya ayon sa mambabatas dapat ay maging alerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga local social workers laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
Ayon kay Fortun, posibleng tumaas ang bilang ng sexual abuse, child abuse at domestic violence dahil nasa kanilang mga tahanan lamang ang lahat ng mga myembro ng pamilya.
Hiniling ni Fortun, na isa ring abogado, sa DSWD at sa mga LGUs na payagan ang mga social workers na tutukan ang mga ganitong posibleng pang-aabuso sa mga komunidad sa kabila ng mahigpit na enhanced community quarantine.
Sinabi ng kongresista na may mga pagkakataon na ang salarin sa child sexual abuse at adolescent pregnancy ay kamag-anak o kilalang kapitbahay ng biktima.
Karaniwan aniyang nangyayari ang mga pangaabuso sa mga kababaihan at sa mga kabataan sa mga dikit-dikit na bahay at highly-congested communities.
Dahil sa hirap sa buhay at sa limitadong paraan ng mga pagkakakitaan, nangangamba ang kongresista na baka itulak ng ilang mga magulang, kaanak o kakilala ang mga kabataan sa sexual exploitation, human trafficking at cybersex.