Sa gitna ng kakapusan ng medical supplies gaya ng face masks, alcohol at iba pa sa gitna ng banta ng COVID-19, may ilan pa ring nananamantala.
Huwebes ng umaga (March 26), sinalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang isang warehouse sa Binondo, Maynila matapos makatanggap ng tip na dito itinatago ang kahon-kahong medical supplies.
Ayon kay Alvin Enciso, intelligence office III ng BOC, hinihinalang mga smuggled pa ang naturang medical supplies at sadyang iniipit na mailabas sa merkado para maibenta sa mas mataas na presyo.
Nadiskubre ang mga smuggled na produkto sa warehouse ng kumpanyang Philmed Dynasty Supplies Corporation sa Muelle De De Binondo sa Maynila.
Kabilang sa mga nasabat ay mga galon-galong alcohol at kahon-kahong face masks, goggles, gloves at iba pa.
Ayon kay Enciso, aabot sa P5 milyon ang halaga ng mga produkto.
Sinabi ng opisyal na maaaring mai-donate ang medical supplies kapag natapos na ang inventory at maisalang na sa korte bilang mga ebidensya. Malaki aniya ang maitutulong nito sa mga nangangailangan lalo na sa health workers at frontliners.
Ayon naman kay Leonard Cabal, marketing executive mg Philmed, ang mga produkto ay ido-donate nila sa Manila LGU at Department of Health o DOH.
Dati rin ay nakapag-donate na sila, at ngayon ay inaayos ang iba pang planong i-donate. Pero nakakalungkot na na-raid pa sila.