Senate Pres. Sotto bumuwelta sa mga banat ng kongresista

Ipinagtataka ni Senate President Vicente Sotto III ang mga banat ni House Speaker Alan Peter Cayetano ukol sa nilalaman ng ipinasa nilang panukalang batas na magbibigay ng ‘special authority’ kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa krisis na dala ng COVID-19.

Ayon kay Sotto, hindi niya naiintindihan ang pinaghuhugutan ng mga puna sa ipinasang Bayanihan to Heal as One Act.

Diin nito, habang tinatalakay nila ang mga pag-amyenda sa panukala ay nakikinig sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Sec. Carlos Dominguez, Budget Sec. Wendel Avisado at Social Welfare Sec. Rolando Bautista.

Aniya, may mga pagkakataon pa na nakibahagi ang mga miyembro ng gabinete sa talakayan ng mga senador.

Sinabi pa ni Sotto na wala silang narinig na pagpuna mula sa mga opisyal ng administrasyon at aniya, pinuri pa nito ang bersyon ng Senado.

Buwelta pa nito sa mga bumatikos na mga opisyal ng Kamara, dapat ay hindi na lang inaprubahan sa Mababang Kapulungan ang panukala na mula sa Senado.

Isa pang nilinaw ni Sotto ay hindi emergency powers ang ibinigay nila kay Pangulong Duterte kundi ‘special authority’ lamang.

Read more...