DILG, tiniyak na nirerespeto pa rin ang human rights kasabay ng community quarantine

Kuha ni Jun Corona/Radyo Inquirer photo

Tiniyak sa publiko ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na patuloy na nirerespeto ng gobyerno lalo na ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng implementasyon ng enhanced community quarantine laban sa banta ng COVID-19.

Ayon kay DILG Undersecretary at spokesman Jonathan Malaya, walang dapat ipangamba ang publiko dahil sinusunod ng gobyerno ang Konstitusyon at Bill of Rights.

Idiniin pa nito na nilinaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagdedeklara ng state of public health emergency at enhanced community quarantine sa Luzon ay hindi martial law.

Sinabi ni Malaya na umiiral ang karapatang pantao sa lahat ng kanilang programa kabilang na ang mga hakbang kontra sa COVID-19.

Ani Malaya, hinihikayat pa rin ni DILG Secretary Eduardo Año ang publiko na i-report ang mga mapang-abusong lokal na opisyal ng gobyerno at pulis.

Nananatili aniyang bukas sa publiko ang DILG Emergency Operations Center (EOC) public hotline numbers upang matanggap ang mga concern ng publiko at agad makaresponde sa isyu sa iba’t ibang lugar.

Narito ang DILG EOC hotlines:
Globe:
09274226300
09150054535

Smart:
09617721668
09613849272

Landline trunkline:
(02) 88763454 local 8801 hanggang 8815

Read more...