DOLE, naghahanda na sa posibleng employment crisis sa Middle East

Rosalinda-BaldozPinaghahanda na ni Pangulong Benigno Aquino III ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa posibleng pagkawala ng trabaho ng nasa 1.5 milyong mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Middle East.

Pinangangambahan kasing ang 1.5 milyong Pinoy na nasa ilalim ng kategoryang ‘temporary workers’ ang unang mawawalan ng trabaho oras na magtuluy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa rehiyon na siyang unti-unting ikakalugi ng industriya ng langis doon.

Ayon kay Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr., pinaghanda na ng pangulo ang DOLE para maibsan naman ang bigat ng magiging epekto nito sa mga OFWs na bumubo sa 75 percent ng kabuuang 2 milyong Pilipinong nasa Middle East.

Bumagsak na kasi sa mas mababa pa sa $30 ang presyo ng kada bariles ng langis, at ito na ang pinakamababang naitala sa loob ng 12 taon.

Simula 2014, bumaba na ng mahigit sa 70 percent ang ibinaba ng presyo ng krudo, kaya naman nalugi ng $100 bilyon noong 2015 ang Saudi Arabia, na pinakamalaking exporter ng langis sa buong mundo.

Gayunman, ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, wala pang malinaw na indikasyong mangyayari ang nasabing employment crisis sa Middle East.

Base aniya sa datos ng field offices ng DOLE sa Middle East, wala pa namang malakihang tanggalan sa trabaho na nagaganap doon, pero mayroong naitalang 1.1 percent ng bawas sa job orders.

Ani Baldoz, hindi naman ito direktang may kinalaman agad sa industriya ng langis, at maaring dahil lang sa mga paghihigpit ng ilang kumpanya dahil wala namang sinabing problema ang state-owned oil-company ng Saudi na Aramco.

Read more...