Ipinasa na sa senado ng France ang pagbabawal sa mga supermarkets sa kanila na magtapon ng mga hindi nabentang pagkain, o kaya ang hayaang mapanis ang mga ito.
Sa halip, ang bagong batas nila ay nag-oobliga sa mga supermarkets na may laking 400 square meters pataas na i-donate ang mga pagkaing ito sa mga charities at food banks.
Alinsunod sa petisyong inihain ni Councillor Arash Derambarsh, ang mga kumpanyang lalabag dito ay magmumulta ng 3750 Euros.
Isinabatas ang panukalang ito para mapigilan na ang pagsasayang ng pagkain, lalo’t may ibang mga tindahang nilalagyan ng bleach ang kanilang mga itatapon na pagkain o kaya naman itatago sa mga warehouse para hindi mapakinabangan ng iba.
Ayon kay Jacques Bailet ng Banques Alimentaires o Food Banks, sa pamamagitan nito, obligado na ang mga supermarkets na makipag-kasundo sa mga charities hinggil sa pagdo-donate ng pagkain.
Mas mapapataas din aniya nito ang kalidad at diversity ng pagkaing kanilang nakukuha at ipinamamahagi.
Ani Derambarsh, malaki ang maitutulong nito sa food banks dahil ito na ang mismong pinagkukunan ng mga produktong mataas ang kalidad, at makakatulong din itong madagdagan ang supply nila ng prutas, gulay at karne.
Sa ngayon, umaasa si Derambarsh na makumbinse niya si President Francois Hollande na himukin ang buong EU na ipatupad na rin ang ganitong batas.
Ito na aniya ang simula ng laban kontra pagsasayang ng pagkain, at balak na nila itong sundan ng batas para naman sa mga restaurant, bakeries, at mga kantina sa paaralan man o mga opisina.