Mababatid na naninindigan ang alkalde sa hindi pagtanggap ng pera mula sa kwestyonableng sources tulad ng iligal na droga, sugal at mga kumpanyang may kontrata o transaksyon sa pamahalaan.
Ngayong linggo, ilalabas na ng kampo ni Duterte ang scratch cards bilang paraan para mabigyan ng pagkakataon ang kaniyang mga taga-suporta na makapag-donate ng pera para sa kaniyang campaign fund.
Ayon sa tagapagsalita ng Contributor Card project ng kampo ni Duterte sa Mindanao na si Daisy Encabo, magkakaroon ng P25, P50, P100, P500, P1,000, P5,000, P10,000, P25,000, P100,000 at P500,000 na halaga ng mga scratch cards ang maaring mabili mula sa mga campaign coordinators nila.
Kailangang i-scratch ng bibili ang likod ng card para makita ang personal identification numbers (PIN) at letters, na ipapadala sa isang phone number kasama ng kaniyang pangalan at address para ito ay pai-register.
Sa ganitong paraan, ang personal na impormasyon ng nag-donate ng pera kay Duterte ay mapupunta sa kanilang data system.
Ani Encabo, dahil dito kakayanin na rin ng ordinaryong mamamayan na makapagbigay ng kanilang sariling tulong sa kampanya ni Duterte.
Sa pamamagitan rin aniya nito, imbis na ibenta nila ang kanilang boto, mistulang sila pa ang bibili ng kanilang kandidato.