“Unawain ang lockdown, para sa ating lahat iyan!” sa WAG KANG PIKON! ni Jake Maderazo

Kuha ni Jun Corona/Radyo Inquirer photo

Patuloy ang pagtaas ng COVID-19 infections sa buong mundo. Noong January 22, 550 lamang ang kaso sa Wuhan city, China. February 21, tumindi ang bilang ng mga nahawa, lumabas ng China at umabot ng 77,673. Kahapon, March 22, nasa 307,627 confirmed cases at kalat na sa 188 bansa kasama ang Pilipinas.

At sa mga nasawi, noong January 22 ,ito’y 21 pasyente. February 21, umabot ng 2,360 ang mga namatay at kahapon, March 22,nasa 13,050 na ito.

Isipin niyo, dalawang buwan pa lamang nanalasa ang COVID-19 sa buong mundo. Mula 550 naging 307,627 confirmed infections kaagad. At mula 21, tumalon na sa 13,050 kataong namatay

Dito sa bansa, nasa 380 ang confirmed cases at 25 na ang nasawi. Halos pareho lamang ito ang manalasa ito sa Wuhan, China. 550 ang Wuhan, 307 tayo, 21 patay sa Wuhan, 19 tayo. Talagang napakalapit ng mga numero kayat kailangan nang umaksyon.

Dahil kung babalewalain natin ang banta, hindi malayong magkatotoo ang “worst case scenario” ng WHO na dito sa Pilipinas, higit 70,000 ang tatamaan ng COVID-19 at sa mortality rate na 4 percent, aabot sa 2,800 kababayan natin ang papatayin ng virus na ito.

Kaya naman, ang pagpapatupad ng “enhanced community quarantine” simula Marso 17 hanggang Abril 12 dito sa atin ay isang kailangang hakbang upang maagapan natin at hindi tayo matulad sa Wuhan City at sa Hubei, China. Isipin niyo doon sa Wuhan, nagdeklara sila ng “lockdown” noong Enero 23 na nagpapatuloy hanggang ngayon o dalawang buwan. Bagamat mayroon pa ring 3,200 na namatay at 81,000 na nagkaroon ng COVID-19, wala na silang panibagong kaso at bumabalik na sa normal ang kanilang buhay. At ang mga leksyong nakuha roon ay maliwanag pa sa sikat ng araw.

Kailangang talagang manatili sa bahay ang taumbayan hanggang lumipas ang “pandemic” na ito. Kailangang mabawasan ang mga taong ma-eexpose sa virus na ito na talagang demonyo ang bagsik sa dami ng pinatay at hinawaan.

Oo masakit na bigla tayong stay at home, work at home at nawalan ng kanya-kanyang lakad at bisyo. Oo masakit mawalan ng hanapbuhay ang marami sa atin, lalo na iyong mga arawan tulad ng jeepney taxi bus tricycle drivers at marami pang ipba. Oo, masakit na walang pangkain o magugutom ang maraming mga pamilya sa ating bayan. Totoo din na pumapalpak ang LGU at maging national government na ‘punan’ ang kailangan ng tao.

Pero, alin ba ang mas mahalaga ngayon? Bumalik tayo sa normal na buhay at kapag nagkikisay tayo sa kalye ay magagalit tayo sa gobyerno at kababayan na hindi tayo inaasikaso?

Balewalain natin ang lockdown, dahil mamamatay tayo sa gutom, pero ilalagay natin sa panganib ang ating ibang kamag-anak, kapitbahay at kababayan?

Walang sinisino ang pandemic na ito. Mayaman, mahirap, matanda, millennial, bata opisyal ng gobyerno, media at kung sinu-sino pa. Pababayaan ba nating magkatotoo ang 2,800 Pilipinong mamamatay sa mga susunod na dalawang buwan? Paano kung tayo o mahal natin sa buhay ang kasama sa mga mamamatay?

Kaya nga, dito kailangan natin ng pagkakaisa bilang mamamayan laban sa COVID-19 na isang “imbisibol” pero napakabagsik na sakit. Ang gusto nito ay mas maraming Pilipinong nagkakahawaan para lalo niyang maipakita ang kanyang lupit.

Read more...