Matatandaang noong February 2013, nagkaroon ng standoff sa Lahad Datu sa Sabah kung saan 27 na mga Pilipino ang dinakip sa pag-aakalang sila ay kasabwat o kasapi ng teroristang grupong nagpasimuno nito.
Pero noong Biyernes, inilabas ni Judge Stephen Chung ng Mataas na Hukuman ng Kota Kinabalu na walang sapat na ebidensya para hatulang guilty ang 11 sa kanila.
Kabilang sila sa mahigit 200 armadong kalalakihan na tumungo sa Lahud Datu mula sa isla ng Simunul sa Tawi-Tawi na ipinadala ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III para muling angkinin ang umano’y dating bahagi ng kaniyang teritoryo.
Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Malaysia, kung wala nang ihahaing apela sa 10 sa kanila, ibabalik na sila sa Pilipinas, dahil ang isa pala sa kanila na si Totoh bin Hismullah ay maari nang manatili doo,n dahil napatunayang isa na siyang Malaysian citizen.
Ang 16 namang natitirang Pilipinong akusado ay nakatakda pa lamang dumepensa ngayong buwang ito, kaya doon pa lamang nila malalaman ang magiging hatol sa kanila.