Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kahit gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 ang isang pasyente at pinauwi na sa kanilang bahay, isinasailalim pa rin ito sa isolation.
Paliwanag ni Health Usec. Ma Rosario Vergeire, bago palabasin ng ospital ang mga gumaling na COVID patient ay isinasailalim ito sa dalawang test at kapag nag-negatibo ng 2 beses saka lang ito papayagan makauwi.
Pag-uwi sa bahay, kailangan pa rin itong i-isolate o i-quarantine sa loob ng 14 na araw at isailalim sa monitoring.
Pagkatapos nito, muling isasailalim ang pasyente sa COVID test.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Vergeire kasunod ng mga ulat na sa ibang bansa ay may ilang pasyente na gumaling sa COVID ang nagpopositibo ulit sa virus.
Sa datos ng DOH aabot na sa 8 katao ang gumaling mula sa COVID-19.