Nais matiyak ni Trade Union Congress of the Philippines o TUCP PL Rep. Democrito Mendoza sa mga pamunuan ng ospital, pharmacies, groceries, gas stations, mga bangko, public utilities at security agencies na naipagkakaloob sa kanilang frontline personnel ang kinakailangang suporta.
Ayon kay Mendoza, umaasa sa serbisyo ng frontliners ang 99 % ng quarantined society para sa lahat ng kanilang pangangailangan kaya naman dapat rin silang alagaan.
Kabilang na anya sa naibigay sa mga ito ang pesonal protective equipment, wastong sanitization protocol sa lugar ng trabaho at nagagawa ang social distancing.
Paalala nito sa management lalo na sa mga hindi pa rin nagbibigay ng transportasyon, hindi dapat pinaglalakad ng kilo-kilometro ang mga manggagawa mula sa bahay papuntang trabaho at pabalik, o ma-stuck sa checkpoints ng ilang oras.
Lalong hindi anya pabayaan ang mga ito na walang personal protective equipment at food subsidy.
Sabi ni Mendoza, marami sa mga ito ang walang hazard pay pero tuloy ang trabaho para manatili ang operasyon ng ilang negosyo.
Maraming mga manggagawa anya ang nagsasakripisyo kaya dapat lang na ibigay ng kanilang employer ang kinakailangang suporta.