Iba-iba ang mga nasagip ngayong umaga, may mga lalaki, babae at nakatatanda.
Kabilang pa sa mga na-rescue ay isang lalaki na sinasabing na-stroke at binabantayan lamang ng kanyang mga kaibigan.
May isa namang babae na nagpumiglas at ayaw sumama sa mga rescuer.
Ayon sa Erwin Manuguit, isa sa mga social worker ng Manila DSW, patuloy ang kanilang pagsagip sa mga street dweller o mga palaboy sa Roxas Boulevard at iba pang lugar sa lungsod ng Maynila.
Sa harap ng kanilang kalagayan, sila ay “at risk” o may banta rin ng anumang sakit, gaya ng COVID-19.
Ang mga nasagip ay dinadala sa Delpan Sports Complex upang doon pansamantalang manuluyan.
Sa ngayon, ayon kay Manuguit, inaasahang dadami ang mga nasa evacuation center dahil sa patuloy na rescue operations.
Miyerkules ay nasa higit dalawampu na ang na-rescue at nadagdagan pa ito dahil sa naging operasyon ngayong araw.
Ang mga may bahay naman, pupwedeng umuwi basta’t magpakita ng katibayan.
Nauna nang sinabi ni Manila DSW Chief Ma. Asunsion Fugoso na habang nasa evacuation center ang mga street dweller ay bibigyan sila ng libreng-pagkain.