Full maintenance ng MRT at LRT, iginiit ngayong ipinatutupad ang enhanced community quarantine

Ngayon ang magandang panahon para kay House Transportation Committee chairman Edgar Mary Sarmiento para iutos ng Department of Transportation (DOTr) ang full maintenance ng MRT-3 at lahat ng linya ng LRT.

Ayon kay Sarmiento, ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine ay maituturing na virtual “reset button” para sa mga lumang mass transport system lalo na ang mga tren na madalas magkaaberya.

Sapat anya ang panahon ngayon para maisaayos ang mga problema ng MRT at LRT dahil sa matagal-tagal na paghinto ng operasyon nito.

Dagdag ng kongresista, dapat ring samantalahin ang pagkakataon para maglagay ng kinakailangang imprastraktura at isapinal ang detalye ng panukalang centralized at synchronized bus dispatch system.

Kung magagawa anya ito ay malaking ginhawa sa mga pasahero pagbalik sa normal ng pamumuhay.

Ito’y dahil hindi na sila mangangamba sa mga aberya sa tren at magiging maayos na rin ang sistema sa EDSA.

Para naman sa mga manggagawang kailangan sa repair at maintenance works, kailangang mahigpit na ipatupad ang biohazard protocols para maiwasang kumalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Naniniwala si Sarmiento na ang enhanced community quarantine ay hindi lang dapat gamitin para pigilan ang pagkalat ng virus kundi oportunidad din para atupagin ang mga trabahong magpapagaan sa buhay ng mga Pilipino.

Read more...