Sen. Imee Marcos inihirit ang price cut sa mga gamot

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa gobyerno na magpatupad pa ng bawas-presyo sa mga gamot ng mga mas madaling mahawa ng COVID 19.

Sinabi ni Marcos na paulit-ulit na sinasabi na delikado sa coronavirus ang mga mahihina ang resistensiya tulad ng mga may diabetes, high blood at may sakit sa baga.

Nauna nang inanunsiyo ng gobyerno na 72 gamit pa ang maaring isama sa ipapatupad na price regulation ngayon linggo.

“Habang wala pang vaccine o lunas sa Covid-19, ang pag-asa na lamang ng mga mahihina ang immune system dahil sa kanilang mga kapansanan ay mas murang gamot,” sabi ni Marcos.

Bukod dito, may hiwalay na panawagan si Marcos sa health officials at ito ay pabilisin ang pagbili ng personal protective equipment (PPE) para sa frontline medical staff at iba pang kagamitan at gamit na kakailanganin sakaling lumubo pa ang bilang ng may COVID 19 sa bansa.

“Dapat nandun na tayo sa proteksyon ng mga nasa frontline at sa critical care ng mga pasyente, dahil mukhang hindi na mahahabol ng kulang-kulang na testing kit ang mabilis na paglaganap ng Covid-19 hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo,” ayon pa sa senadora.

Read more...