Idineklara na rin ng Malakanyang ang State of National Health Emergency. Ito’y matapos makumpirma ang dalawang kaso ng “local transmission” sa Greenhills, San Juan at BGC, Taguig.
Dalawang ospital din ang Cardinal Santos at St. Luke’s BGC ay nag-isyu ng statements na kumukumpirma sa mga COVID patients.
Ito na ang kinatatakutan nating sitwasyon kayat kailangan ng pagkakaisa ng lahat ng mamamayan, simula sa gobyerno hanggang sa pinakamababa. Dahil ang kalaban natin dito ay ang virus na COVID-19, hindi ang ating mga kapwa tao.
Unang-una, dapat lahat ng ahensya ng gobyerno ay maging “absolutely transparent to the Filipino people”, na ang ibig sabihin kapag ganitong may “health emergency” may karapatan tayong malaman natin ang mga umiiral na “kundisyon” sa ating paligid.
Alinmang balita ng “local transmission” ay dapat ilahad sa publiko at gawing maliwanag sa taumbayan nang walang alinlangan o pagtatago.
At lahat ng opisyal, mula Presidente, Cabinet member, buong executive, legislative at judicial branches, AFP, PNP, mga gobernador, mayor, pababa sa baranggay ay dapat lantaran ang kilos upang labanan at matalo natin ang COVID-19.
Ikalawa, tigilan na natin ang bintangan at sisihan na may tinatago si ganoon at ganito samantalang ang ibang pulitiko ay nagmamarunong, nagmamagaling na ang dulot lamang ay pagalitin lalo ang taumbayan sa mapanganib na sitwasyon.
Kahit ang mga mauunlad na bansa na may mas matinding health infrastructure ay hindi nakakaresponde nang husto sa virus na ito. Nariyan ang lockdown ng Wuhan City at buong China, ang Daegu City at dalawang lalawigan sa South Korea, ang planong lockdown ng 11 milyong katao sa Italy kasama ang Milan City, simula April 4, Japan at ngayon pati Amerika.
Sa mga susunod na araw, magkakaroon tayo ng sunud-sunod na problema, hindi lamang sa panig ng mga nahawang pasyente kundi maging kakayahan ng mga medical personnel at kung sapat ba ang bilang nila. Masusubukan dito ng husto ang ‘In-patient treatment” ng ating mga public at private hospitals. Ganoon din ang ating ‘COVID-19 testing facilities’ na ngayo’y kokonti lamang ang kapasidad. Paano kung dumami ang pasyente? Paano kung meron sa Visayas, sa Mindanao? Paano kung kokonti lamang ang nate-testing araw-araw?
At dito, wala tayong ibang choice kundi paniwalaan ang Department of Health at ang Duterte administration na maitawid tayo sa pandaigdigang “pandemic” na ito. Hindi natin kailangan ang mga nagmamarunong sa isyu na ito. Hindi natin kailangan ang pamumulitika at walang katapusang pambabatikos at pangungutya sa umiiral na krisis na ito.
Tandaan natin. Wala hong bansa sa mundo na nakapaghanda sa COVID-19. Lahat sila at maging tayo ay nagugulat sa bagsik at bilis ng pagkalat ng sakit na ito. Milyun-milyong tao ang nasira ang kanilang mga kabuhayan. Pati ekonomya ng mundo ay sumesemplang na rin dahil sa paghinto ng maraming negosyo.
Ngunit ang sikreto ng tagumpay dito ay ang pagkakaisa ng isang bansa ng isang lahi ng Filipino upang harapin natin ang COVID-19 kahit sa katotohanang kukulangin tayo ng kapasidad, pondo at panahon.
Kailangan natin ng tunay na pagkakaisa upang tulungan ang mga nagkasakit nating mga kababayan at pamilya nila. Iligtas natin ang ating mga baranggay, distrito, munisipyo, lungsod, lalawigan, rehiyon at buong bansa upang hindi gaanong mapinsala ng demonyong COVID-19 na ito.
LABAN, PILIPINAS!