Tugon ito ng Palasyo ng Malakanyang sa kritisismo na mamamatay ang mga Filipino sa gutom at hindi dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) dahil sa ipinatupad na isang buwan na community quarantine sa Metro Manila.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi totoo ang naturang kritisismo dahil wala namang namamatay sa gutom sa loob ng isang buwan
“Walang namamatay sa gutom. Ang isang buwan hindi ka pa mamamatay,” pahayag ni Panelo.
May ginagawa na rin aniyang hakbang ang pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa na maaring maapektuhan ang trabaho o hanapbuhay dahil sa community quarantine.
May nakaantabay na aniya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 300,000 food pack na handang ipamahagi sa mga magugutom o maapektuhan ng community quarantine.