Mga nagsusulong ng divorce, nagkaroon ng pag-asa dahil sa SC ruling

muslimNabuhayan ng loob ang mga nagsusulong ng divorce dito sa Pilipinas nang katigan ng Korte Suprema ang isang kaso ng divorce sa ilalim ng Code of Muslim Personal Laws of the Philippines.

Bagaman walang divorce sa bansa, nagdesisyon ang Supreme Court na payagan ang padi-diborsyo ng mag-asawang lalaking Muslim at babaeng Katoliko dahil sa hindi mapagkasunduang pagkakaiba sa relihiyon.

Dahil dito, naniniwala si dating Gabriela party-list Rep. Liza Masa, ang unang nag-file ng divorce bill noong 2005, na dapat maging consistent ang pagkilala ng batas sa relihiyon at sa kasal.

Kung pinapayagan aniya ito sa mga Pilipinong Muslim, marapat lang na pantay din ang turing ng batas sa mga hindi Muslim, at nang mabigyan sila ng opsyon na makipag-diborsyo base sa kanilang paniniwala.

Ngunit, ang naging desisyon kasi ng Korte Suprema sa divorce ay para lamang sa mga kinasal sa ilalim ng Muslim rites.

Nakasaad kasi sa Code of Muslim Personal Laws na may iba’t ibang uri ng divorce ang pinapayagan sa mag-asawa depende sa sitwsyon at incompatibilities, tulad ng infidelity, abuse, criminal conviction at sakit.

Ayon naman kay Gabriela party-list legal counsel Alnie Foja, masyadong teknikal at komplikado ang ating batas para sa mga mag-asawang nais maghiwalay, at tila maari lang itong gawin ng mga Muslim.

Giit niya, mayroong pagkukulang sa ating batas, at isang obligasyon ang punan ito.

Sa Pilipinas kasi, tanging annulment lang ang pinapayagan sa mga mag-asawang nais maghiwalay, at nakadepende pa ito sa technicality.

Read more...