Hanggang ngayon wala pa ring maswerteng nakatatanggap ng $63 million jackpot ng California lottery dahil wala namang sumipot sa kanilang opisina para akuin ang panalo nito.
Ayon kay lottery spokesperson Alex Traverso, walang lucky winner na pumunta sa kanilang opisina sa kanilang 5pm deadline noong Huwebes.
Ngunit, isang kaso ang inihain sa korte noong Miyerkules para ibigay ang kapangyarihan sa isang judge na pumili ng panalo.
Isang Brandy Milliner naman ang nagsasabing siya ang panalo at ibinigay na niya ang kaniyang ticket ngunit iginiit umano ng mga opisyal na masyado nang sira ito para makumpirma.
Gayunman, sinabi ni Traverso na sinisiyasat pa nila ang sitwasyon.
Kung wala pa ring makakapag-claim ng pinakamalaking premyo ng California lottery, ipapamahagi na lamang ang pera sa mga paaralan ng estado.
Paulit-ulit nang nanawagan ang mga opisyal sa mga posibleng nanalo para agad silang puntahan para makuha ito.
Aniya, kung sinuman ang may hawak ng winning ticket, agad na itong pirmahan at dalhin sa alinman sa kanilang district offices.