MMDA magpapatupad ng regulasyon sa pangangampanya

mmdaNagpulong na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Commission on Elections (COMELEC) tungkol sa posibilidad ng pagkakaroon ng regulasyon sa pagpapagamit ng mga kalsada ng Metro Manila sa mga kandidatong mangangampanya.

Ikinabahala kasi ni MMDA Chairman Emerson Carlos ang posibleng trapiko na maidudulot ng mga motorcades at campaign rallies ng mga kandidato lalo na kung gagawin ito sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, tulad na lamang ng EDSA.

Ayon kay Carlos, hindi naman nila layon na ipagkait ang pagkakataon sa mga kanidato o kaya naman ay pagbawalan silang gawin ang ganitong klase ng pangangampanya, pero iniisip lang niya ang kapakanan ng mga magsasagawa nito at ng mga motorista.

Kaya naman hiniling ni Carlos kay COMELEC Chairman Andres Bautista, baka naman pwedeng i-regulate ito ng MMDA para magkaroon sila ng plano sa magiging sitwasyon sa kalsada.

Nais sana ng MMDA na bago magsagawa ng mga campaign rallies, meeting de avance at motorcades ang mga kandidato, hihingi muna ang mga ito ng permit mula sa kanila.

Sa ganitong paraan kasi aniya, maaabisuhan nila ang mga motorista tungkol sa magaganap sa kanilang mga daraanang kalsada at kung anong oras ito.

Mapa-malaki o maliit na kalsada kasi aniya ay paniguradong makaka-apekto sa daloy ng trapiko, kaya mas mabuti nang planuhin ito ng maigi.

Read more...