Misa, panonood ng sine bawal muna sa ilalim ng Code Red sublevel 2

Kabilang sa ipagbabawal sa ilalim ng code red sublevel 2 ang pagdaraos ng misa at panonood ng sine.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na layon nitong maiwasan ang pagkakaroon ng mass gatherings at maawat ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Binanggit ni Duque ang nangyari sa South Korea na ang paglobo ng kaso ng COVID-19 ay nagsimula lang sa isang infected na pasyente na nagsimba sa isang relihiyon.

Apela ni Duque sa publiko, magsakripisyo lamang muna para na rin sa kapakanan ng lahat.

Ani Duque, ngayong araw na ito inaasahang mailalabas ang detalyadong guidelines sa ipatutupad na community quarantine sa National Capital Region.

Sa naunang panayam ng Radyo Inquirer kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, maituturing nang mass gathering kung ang nagtitipon ay 50 katao pataas.

Ibig sabihin, ang misa, panonood ng sine, pagsasabong at iba pa ay maitituring na talagang mass gathering.

 

 

Read more...